Monday, August 06, 2007

Tissue Paper

natanggap ko na
ang sulat mong kay tagal kong hinintay
kahapon
habang sa likod-bahay
sumisipol akong nagsasampay
ng mga ala-ala mong
kay tagal ng inaalagaan
baka sakali kasi
ako ay iyong balikan
at ngayon
eto na nga
hawak-hawak ko ang sulat mo
amoy ewan
nakasilid sa sobreng
ang hirap buksan
kaya pinunit ko na
pagbukas
aking nabasa
sa isang maikling salita
ikay nagpaalam
goodbye
ang sabi ng nakasulat
sa tissue paper.

Salamin

kausap ko kagabi ang sarili sa salamin
ayaw nyang umamin
hindi daw sya pangit
at lalong lalo na
hindi daw sya bobo.

sabi niya gwapo ako
matalino ako,
walang binatbat si brad pitt
sigurado
kung nagkataong
nagkakilala kami ni angelina
malamang kami na,
may isang dosenang anak,
masaya sa sampung mansyon
at sikat na sikat.

hahaha
tawa ako ng tawa
mahal kita
sabi nya
mahal rin kita
sabi ko
sa sariling nakadikit
sa salamin.

Wala

walang mata
walang ilong
walang tenga
walang bibig
walang pakiramdam

dahil hindi malaya ang media,
ang napapanood sa tv
madalas ay walang kwenta,
ang nababasa sa pahayagan
ay madalas walang laman,
ang napapakinggan sa radyo
ay madalas sintunado.

walang buhay sa pagiging marangal
ganitong walang trabaho
at mababa ang sweldo
kaya madalas
mas nanaising maging kriminal
may pambili lang ng bigas.

si nena nagpuputa
si totoy snatcher
si kanor drug pusher
si marivic ay illegal recruiter.

walang alam sa bayan ang mga mag-aaral
dahil madalas walang itinuturo ang eskwela
kundi quality education is expensive,
matulungin ang mga kano,
tamad ang pinoy,
yayaman ka kapag
mag-aabroad ka.

walang karapatan ang walang pera
pero kung marami kang pera
marami ka ring karapatan.

wala kang karapatang kumain
kung mahirap ka,
maliban na lang kung
may pambili ka ng instant noodles at sardinas
o masikmura mong kumain ng basura.

kung mahirap ka
wala kang karapatang magsuot ng damit
na hindi malinis at hindi punit-punit,
lalong lalo na
ang magtayo ng bahay sa kung saan mo gusto.

pero ok lang
may konting karapatan ka naman sa ilalim ng tulay
sa marupok na kariton,
may konting karapatan ka rin namang
maglapag ng karton sa kalye o plasa
just name your choice
basta wag lang sa kung saan.

walang dapat ipagtaka
kung bakit walang mahanap na trabaho
walang increase sa sweldo
walang lupa na pwedeng sakahin
mahal ang mga bilihin,
madalas ang pagtaas ng matrikula
at iba pang bayarin sa eskwela,
walang pagkain sa mesa,
walang load ang cellphone,
walang pamasahe,
walang pambili ng yosi,
walang bagong t-shirt,
pantalon,
sapatos,
walang panregalo sa syota,
walang pang-date,
walang pang-internet,
walang pang-videoke,
walang pambayad sa kuryente,
tubig,
at renta sa bahay,
lalong-lalo na
kung wala kang pang-gimik sa sabado.

dahil wala, wala, wala

walang hustisya sa mga mahihirap
walang kapayapaan sa mga mamamayan
walang pag-unlad ang bayan
si Gloria ay walang paki-alam.

Sunday, August 06, 2006

3:53 am. i'm floating.

sa madaling araw
kung saan humihilik
ang mga pusang nagbabangayan
kanina sa isang pirasong buto
ng isdang may sabaw.

heto ka't lumulutang
sa mga ulap ng pag-aalinlangan,
pagod na pakpak sa kalawakan,
kaya 'di mo naisip na kay taas na ng buwan.

kung pa'no nilipad
ng isipang lagalag
ang mga kuwento
ng bawat musmos
sa lansangang tinatambayan
ng mga pagnanasa
sa mga librong 'di mo pa nabasa
ay hindi ko rin alam.

parang isang alamat lamang
itong bersong naibulalas,
misteryosong paglalahad
ng mga imaheng madalas
may bitbit na hiwaga.

kaya marahil minsan
sa paglutang
mahiwaga ang bumaba.

Thursday, May 04, 2006

sining ka ng mga sining

isang musika ang iyong ganda,
pinong hibla ng ritmo
sa isang magarang piano
at tipa ng gitarang romantiko.

isang tula ang iyong indak,
at sa bawat bagsak ng mga padyak
ng paa sa makatang lupa
ay nabubuo ang mga hiwaga.

isayaw mo ako sa alapaap
kung saan hitik sa mahika,
ilipad mo ako sa masining mong alindog.

dahil ikaw ang awit ng puso,
komposisyon ng mga melodya
at ritmo nitong umusbong na pithaya.

ikaw ang sining ng mga sining,
ipininta at inukit ng pag-ibig,
daluyan ng aking mga kulay
nitong brotsa sa canvas.

Tuesday, April 18, 2006

Life is a Shit!!!




























I. Life is a shit!
Dahil nakagat ng aso n'yo
Ang batang angkas-angkas sa bisikleta.

pawisan ang pithayang umahon mula sa pagkakabaon
ng pangil nitong naipong pangamba sa iyong sapantaha,
akay-akay ang sarili sa tamang landasin ng paglalayag
sa karagatan ng di tiyak na bukas.

at dahil di nga tiyak, heto ka't yapos ng pagdududa.

paulit-ulit ang pagsusuri ng iyong kamalayan
sa gulong na umiikot sa laylayan ng iyong bumbunan,
habang umiiwas sa disgrasya ang paglutang ng parakaida
sa magdamag mong meditasyon sa altar ng hiraya.

kaya madalas, sanlaksang tanong ang iyong nasusuka.

II. Life is a shit!
Nawala kasi ang libro mo
Sa panahong you badly need it.

madalas ang pagbuklat natin sa mga pahina ng buhay
mistulang manaliksik sa mga bituka ng milky way at andromeda,
subalit madalas di mahanap ang hinahanap
di mahagap ang ninanais mahagap.

hitik sa misteryo ang matalisik nating mundo.

nakasalang sa apoy ang kilay sa magdamag
kung saan nakababad sa kumunoy ng mga bawal,
sinasakal ng kumbensyonal ang ating nilikha
sa kailalimlaliman ng ating malibog na dambana.

huwag silang mag-akalang nakatalukbong pa rin ang ating hinuha.

III. Life is a shit!
Nag-away na naman kasi kayo
Ng ermats mo.

sabik pa rin sa mahika ang sanggol sa iyong puso
sa panahong minamaniobra ang iyong mga ilusyon,
dahil may minsang di umaayon ang nakaraan sa ngayon
at ang langit ay di maaring pagkasyahin sa balon.

kaya may minsang di nag-iisa ang pag-ibig.

likas na ang kontradiksyon sa anumang bagay
mapaluma man o bago, materyal o 'di materyal,
nagpipingkian sa solterang krus ng pagsinta
upang magluwal ng bagong biyaya.

'di nararapat ang umiwas sa gyera.

IV. Life is a shit!
Dahil 'yong sarili mong dila
Nakagat mo.

suwail ang mga katagang nakakatakas sa rehas ng dila
sa panahong bihag ka ng kobrekamang poot,
at habang nilalangoy mo ang disyerto ng pagkabalisa
walang tinig ang lalamunan mong bilad sa init.

pakiwari mo'y pati lamok ay nagsusungit.

kasiping ng mga bulaklaking salita
ang retorikang kasimbigat ng toneladang bakal,
sa magkabilang pisngi ng iyong pagkatao
ay ingay ng mga kaluskos ng tunggalian.

laging pakatandaan na sarili ang masahol mong kalaban.


(salamat kay rona, dahil sa kanya ipinaglihi ang tulang ito. hehehe)

Imahe Mula Sa Kalat-kalat Kong Hiraya






















Dinukot ko ang mga mata ng dilim
Upang di na s'ya muling makatitig sa'kin
Kinumos ko ang kanyang paningin
Hanggang sa dumilim ang kanyang biswal...

Aahhh! 'Tangina!
Ano na naman ba 'tong naisulat ko?
Abstrakto?
Ang sabihin mo nakakalito...
Pero ano nga ba naman ang pakialam ng mundo?
Eh ito 'yong dumadaloy sa sanga-sangang kanal ng aking kamalayan...

Sinong magbabawal sa akin kung sabihin kong
Ningatngat ko ang utak ng mga planeta
At binali ang mga buto ng galaxies
Para pagsilbihan ko ang masa?

Pweh! Walang lasa kasi ang aking mga nabasa
Na nakasulat sa dingding ng mga nabisita kong banyo.
Kaya eto, magsusulat na lang ako
Ng mga imahe mula sa kalat-kalat kong hiraya.

Isisigaw ko ng buong tapang
At may pagmamalaki
Na dinurog ko ang ilong ni Bill Gates
Ng minsang sayawan n'ya ang typewriter
At betamax.

Pagkatapos,
Buong araw akong tatawa
Dahil nabilog ko ang pyramid sa Egypt
At pinalanghap ko ng utot si George Bush.

At dahil nga wala akong pera
Binili ko lahat ng mga bagay
Na hindi ibinebenta.

Salamat na lang
At umiikot pa rin ang mundo
Kahit walang gasolina.

May Minsan Talagang Kumakausap Ka Ng Malabo

Kung nakapagpahalakhak ang alak
Bakit 'di na lang tayo mag-inuman sa araw-araw?
Ng hindi ka na iyak ng iyak,
Sa balikat ng mga dingding ng pagsinta at
lihim na pangungulila,
Upang tanging galak
Ang sa mukha mo'y aapak.

Malungkot ka
Pero hindi mo alam kung bakit,
Eh hindi ka naman panget
At wala naman sayong nangungulit.

Pero heto ka't nagmumukmok
Sa singit ng mga lamok,
Nakayuko sa dilim,
Habang nagdi-disco ang pawis sa iyong batok.

Isinga mo muna kaya ang iyong sipon
Bago ka magsalita't magkwento
Ng kung ano-anung abstraktong
Problema na gumagala sa iyong bumbunan,
At humikbi ng humikbi
Hanggang mag-vibrate ang iyong ilong at labi.

Gusto mo akong makinig
Hindi ba?
Puwes magsalita ka.
Ikwento mo ang lahat sa akin,
Basta lang ba wag kang umasa
Na memoryado ko ang mga teksto ng bibliya
O di kaya'y magbibitaw ako ng mga bulaklaking talinghaga.

Paano kasi, uhm, di ako sanay.
Hindi naman kasi ako guidance counselor
ng pinapasukan mong kolehiyo.
Kaya eto, makikinig lang ako.

Sige, magsalita ka lang...
Huwag ka na kasing mahiya.
Promise! Hindi ko 'to ipagsasabi.
Kahit pilitin nila ako
At i-water cure
At kung ano pang torture.
Promise talaga,
Hindi ako magsasalita.

Teka, bago ka magpatuloy,
Punasan mo muna ang iyong sipon at luha,
Heto't maswerte ka, nagdala ako ng panyo.
Don't worry, bagong laba 'to
Kaya nga lang
Galing 'to sa alaga kong aso.
Pero oks lang kasi bagong laba 'yan.
Nilagyan ko pa nga 'yan ng downy
(Kaya masaya si Brownie).

Sige, magpatuloy ka.
Huwag kang magpadala sa agos ng luha.
Teka, sa'n na nga ba tayo?
Ah, oo, dun na nga pala tayo.
Eh anong nangyari pagkatapos?
Hindi mo alam?
Pucha naman!
Paano kita maiintindihan
Kung hindi buo ang kwento?

Gusto mo pa yatang hulaan ko,
O gawing contest ito ng mga cellphone companies:
"If you know what happened next, just text:
And send it to 258 for SMART subscribers, and 236 for Globe subscribers.
Gusto mo pa yatang magkaroon ng gain ang mga kapitalista sa kwento mo?

Paano na ngayon ito?
Paano kita matutulungan?
Ano?
Ayaw mo ng tulong ko?
Bullshit ako?
Tarantado ako?
Lahat ng tao sa mundo ay mga fucking bastards?
Galit ka sa mundo?
Pwes!
Putang ina mo!

Ang Pithaya, Diwata, Kopita at Mahika

Gusto kong marinig ang lagatak ng ulan
Sa tuwing kaniig ko ang pithaya ng alon,
Ningas ng bato at pagaspas ng dahon.

Mag-aalay ako ng embutido
Sa mga diwatang emisaryo
Ng mga engkanto.

At sisindihan ko ang pabilo
Ng pagsinta't pagkasuklam
Dahil hindi nila ako inalok
Ng kahit man lang isang kopita ng rhum.

Pero ok lang,
Basta ba 'wag nilang gambalain
Ang pagtulog kong
Hitik sa morpinang mahika.

Uhm, Ito'y Suhestiyon Ko Lang Naman
























(para kay donna at sa kanyang mga kakosa)

Ngayong tapos ka na ng high school,
Anong plano mo?
Gusto mo hulaan ko?

Gusto mo?
Ok, pagbibigyan kita.
Hmmn.. Ito ha hula ko lang 'to:
Im sure you are going to enroll in college.
Saan?
'Yon ang hindi ko kayang hulaan.

Pa'no ko nga ba nahulaan?
Eh syempre, yan na yata ang sinusunod na pattern
Dito sa Pilipinas
Simula nung maipanganak ka:
Lahat ng tao kailangang dumaan ng kindergarten
Minsan nama'y pwedeng dumiretso ng elementarya,
And after six years, magsunog ka ng kilay sa high school
Ng apat na taon, and then
Kailangang dumiretso ng college para magsunog uli ng kilay
And by this time, masusunog rin pati bulsa ng parents mo,
Shemps, ang mahal na yata ng tuition fee ngayon.

Ika nga ng CHED
"Quality Education is Expensive"
Ibig bang sabihin kung wala kang pera
Eh manigas ka na lang?
Huwag ka na lang mag-ambisyon na makapag-aral?
Ang ambisyunin mo eh ang maging magaling na snatcher sa lansangan?
Patpating kargador sa palengke?
Hinahangaang holdaper ng bangko?
Pinagnanasaang puta sa kanto?

I hope you don't mind,
Pero these are the realities.
Bulok na sistemang edukasyon.
Bulok na sistema sa pangkalahatan.
Lalong binubulok ang nabubulok ng lipunan.

But of course, I am not telling you
Not to pursue studies in college,
Kahit ako nga nag-gradweyt sa college,
Kaya pansin mo siguro minsan nag-iingles ako.
Oo, sa eskwela ko natutunan ang pa-ingles ingles ko.
Paano, kasi, kolonyal ang oryentasyon ng edukasyon.

Uhm, pwedeng magkwento?
Brief lang 'to katulad ng isinusuot ng kuya mo.
Ganito kasi 'yon, ah, nung sinakop tayo ng mga amerikano
Nagtayo sila ng Public Educational System,
Hinubog nila ang kamalayan ng mga lolo't lola natin
Kaya nagmistulang little brown americans ang mga noypi nun.
And to make the story short,
After nga ibinigay ng mga kano ang sham independence ng Pinas,
At itinalaga nila ang mga puppet governments
Hanggang ngayon
American pattern pa rin ang sinusunod ng ating edukasyon.

Gets mo ba?
Hmmn, confident ako na nakuha mo,
Alam ko namang intelektwal ka.

Pero let me tell you,
Ang pagiging intelektwal ay di nasusukat sa dami ng libro na iyong nabasa
O sa dami ng prose at poetry na iyong namemorya,
O di kaya'y sa galing mo sa matematika at sa larangan ng siyensya.
Ito'y nasusukat sa kung paano mo naisasapraktika ang mga teorya
Na tangan-tangan ang tamang linya.
Nasusukat ang intelektwal sa paglahok niya sa kilusang nagbabago sa mundo,
And blah..blah..blah.

Haaah! Ang hirap mag-explain sa tula
Kaya, excuse me, iinom lang muna ako
Hindi ng alak ha,
Kundi ng isang basong tubig na galing sa ulan
Na hinaluan ko ng salabat.

Ok!
Balikan natin yong pattern:
Sinasabi sa atin ng lipunan
Na matapos nating maipanganak
At nasa husto na tayong edad
Kailangan nating mag-aral
Sa nursery, kindergarten,
Elementary at high school,
At kolehiyo kung saan pipili tayo ng kurso.
Minsan kapag sinuswerte't mapera
Makakapag-earn tayo ng post-graduate studies.
And after we comply all irrelevant requirements that will make us sleepless
at ma-paid natin
ang mga bayarin sa eskwela, syempre gagradweyt tayo
At aakalain nating tapos na ang kalbaryo
('Yong iba may pasigaw-sigaw pa ng yahoo! yahoo!)
Pwes! We are definitely wrong!
Madadagdag tayo sa numero ng mga unemployed,
Pero kung sweswertehin at matanggap sa trabaho,
Kung saan madalas kontraktwal,
Eh we are pressured to get married naman,
Magka-anak,
Magka-apo,
At pagkatapos pwede na tayong mamatay.

At kung hindi mo masunod ang pattern,
Ano ka lang naman,
Ah, abnormal.
Oo!
Abnormal.
Minsan naman parang ang tingin sayo
Uncivilized.

Hindi ba't masyadong morbid
At monotonic,
Ginagawa nila tayong mga robotics.

Dont get me wrong,
Ang akin lang naman
Bakit nila tayo ginagawang pasibo,
At sinasabi sa atin na masama ang maging kritiko?

Nila? Sino ba tinutukoy ko?
Eh, sino pa nga ba...
Eh di 'yong mga naghaharing uring burges
Na nakikipaglandian sa mga imperyalista.
They who suck the people's blood
And yet put the blame to the aswang at mga kalahi ni dracula.

Kaya ngayong tapos ka na ng high school,
At handa ng umapak sa kolehiyo,
Huwag kang basta lang umupo sa iyong armchair
At ngumuya't lumulon ng kaalaman
Mula sa itinuturo ng napili mong paaralan.
Lumabas ka rin at makialam
Sa mga pangyayari ng lipunang iyong ginagalawan.

Pero shempre, ikaw pa rin naman ang decisive,
At ito'y suhestiyon ko lang naman.

At para tapusin ang tulang ito
Nais ko lang ishare ang wika ni Lean Alejandro:
"Ang tunay na aklat ng isang mag-aaral ay ang lipunang kanyang ginagalawan,
Ang guro nya ay ang sambayanan, at ang kanyang pagsusulit ay ang pakikilahok
N'ya sa pakikibaka ng masang api..."

oist! dona! comment ka ha.. hehehe... binago ko yong title. bakit? eh kasi gusto ko lang. may angal? hehehe


Ok lang naman ang uminom, Basta ba 'wag maglasing...



















Malaya itong gabi
Sa gawaing pulitika,
Kaya ba kasiping mo ngayon ang pawisang bote
Ng San Mig Light at Red Horse?

Sa harap mo ay inihaw na panga,
Litsong manok at sizzling sisig,
Habang nakikipagbatuhan ka ng halakhak
Sa barkadang di mo na madalas nakakasama.

Teka, hindi ba't may Total Liquor Ban ang kilusan?
Eh anong ginagawa mo dyan?
Nag-uunwind, Paano kasi
Masyadong stressful ang mga nagdaang linggo...

Sya, Sya, Sya...
Ok lang 'yan.
Basta ba 'wag kang magpakalango dyan!
At tsaka, mamulitika ka na rin sa mga katropa.
Para naman, at least, magkaroon ng sense ang mapag-uusapan n'yo.

Itanong mo nga sa kanila
Kung pabor ba sila sa ChaCha?
O tingin ba nila nararapat lamang na
Patalsikin si Gloria?
Pag-usapan ninyo kaya ang pakikibaka
Sa kalunsuran at kanayunan.

Pero ingat ng konti,
Baka madala ka ng alak
At maisalang mo pa sa apoy ang SQ.

Pero siyempre,
Alam ko namang
Tunay mong mga kaibigan ang mga 'yan,
Kaya nga lang maging maingat ka pa rin.

Syanga pala,
Wag mong kalimutan
May BMI daw after holy week.

Isang Gabi ng Maisip kong Mag-meditate

Kagabi,
Hinimas ako ng hangin sa magkabila kong pisngi
At pilit kong dinama ang lamig nito
Upang madama ko man lang kahit konti
Ang klima ng lugar kung nas'an ka.

Pumikit ako at pilit kong inilabas ang mystic energy ng aking inner self
Habang magkalapat ang dalawa kong kamay sa isa't isa,
At habang lumalalim ang aking konsentrasyon
Di ko maiwasang magtawag ng mga elementals
Upang tulungan akong makapaglakbay
Sa kabilang dimensyon kung saan ang mga lugar
Ay walang pagitan,
Walang malayo
At wala ring malapit
Dahil doon ay walang konsepto ng distance.

Sapagkat marahil dun
Ay 'di mo na maidadahilan
Ang pagiging malayo natin sa isa't isa
Para gapusin ang aking pananabik
Sa walang katiyakang pandama.

Wednesday, April 12, 2006

The present is a rope between past and future - a rope over gardens of hope.

Gumagambalang Nilalang Sa Mga Gabing Nagdaan


Dinukot ko ang bunganga ng pagkabalisa,
Upang masakal ang mga bitukang nagmumura,
Ng di mabilang na santita,
Hungkag na pagtitimpla sa kapeng walang lasa.

At kung sakaling mabilaukan at dagling magsuka
Ng mga puta, fuck you at walang hiya!
Duduraan ko ang lalamunan
At pilit ipalunok ang namamanhid nilang gulaman.

Dahil bawal dito ang pagtatae
Ng mga puwet at kili-kili,
Kailanma'y walang lugar ang irrational
Sa altar ng sangkaterbang utak.

Ngayon, ngunguya ka pa ba
Ng mga bato, hangin at styro?

Sa madalang na pagtunaw ng mga nilamon
Hindi magkakatubig ang balon,
Lalong hindi bubula ang mga alon
Sa tuwing hindi magbubukas ang mga santita ng kahon.

Dahil hindi nila kilala si Pandora,
Ang mga bukas ay hindi nila pag-asa.

Kaya muling magdudukot ng mga bunganga
Upang masakal ang mga bituka,
Sa mga sandaling didikit ang sumpa
Ng bruha malditang mangkukulam
Na nagtotoothbrush sa banga.

Monday, April 03, 2006

Ako at ang mga nag-uumpugang hiraya

May nakapagsabi sa akin na kapag gumamit ka daw ng straw tuwing umiinom ka ng kape sa tanghaling tapat, tiyak na hindi mahirap magsulat ng mga hiraya na ginagapos ng utak.

Heto ako ngayon nagkakape. Walang straw. Hindi na rin tanghali. Nagbibilang ng langgam na nag-PDA sa may pintuan.

Hulaan nyo kung anong ginawa ko bago ako nagtimpla ng kape:

1. Tinawagan ko ang aso ko sa telepono upang magtanong tungkol sa advantage ng CHACHA
2. Nag-drowing ng papel sa papel gamit ang imahinasyon
3. Kinuha ko ang hiniram kong gitara at tumula ng mga tulang natutunan ko kay Jet Li
4. Umakyat sa puno at dinuraan ang mga nagsidaan
5. Nakipag-debate sa salamin
6. Nag-interbyu ng mga manok tungkol sa problema kung sino ang mas nauna sa kanila ng
itlog
7. Hinalikan ang picture ni donita nung di pa sya nag-asawa

i-email ang inyong sagot sa kidlatpamukaw@yahoo.com

O di kaya'y isuka ninyo ang sagot sa comment section.

Sunday, March 26, 2006

Piyesta

Inimbita ako ng kalye
sa isang piging,
hindi ng mga nakaparadang
lechon
o masarsang putaheng
nakahain
kundi mga bilad na kamao
sa piyesta ng mga plakards…

Nakasabit na banderitas
ay hindi makulay na papel
kundi sakong sinulatan
ng mga di pinakikinggang
sigaw
pero punlong nagpapagalaw
sa mga katawang
pinagpipistahan
ng mga hayok na patron
ng pasistang rehimen.
Talagang May Panahon Na Mahirap Magdesisyon

Kulang ang mga araw upang magbilang
ng mga mariposang nagsiksikan sa iilang kwarto ng iyong tadyang.
Hindi maaaring sumipol ng mga awit
ang nag-uumpugang mga bato ng iyong singit.
Sa ngayong hindi mo kayang paghiwalayin
ang araw at gabi, pati ang kutsara sa tinidor,
naalala mo tuloy ang mga pag-aalala
na baka sa isang araw
walang anino ang naiguhit mong ambisyon.

Ngayong lasing ka sa pagkabalisa,
dahil nahihirapan kang basahin ang komiks ng iyong isip.
Sino ang makapagsasabi
na ikaw itong hindi ikaw?
Maskarang nakamaskara sa hubad na pagsinta.
Asam-asam pa rin ang mga diamante sa magkabilang dimensyon.

Paano hahanapin ang mga bagay na nakabaon
sa katotohanang nag-iilusyon
ang dalawang mundong nais mong yapusin?

Dahil walang maaaring pwedeng magpasya
kundi ikaw lang at ikaw.