Tuesday, April 18, 2006

Life is a Shit!!!




























I. Life is a shit!
Dahil nakagat ng aso n'yo
Ang batang angkas-angkas sa bisikleta.

pawisan ang pithayang umahon mula sa pagkakabaon
ng pangil nitong naipong pangamba sa iyong sapantaha,
akay-akay ang sarili sa tamang landasin ng paglalayag
sa karagatan ng di tiyak na bukas.

at dahil di nga tiyak, heto ka't yapos ng pagdududa.

paulit-ulit ang pagsusuri ng iyong kamalayan
sa gulong na umiikot sa laylayan ng iyong bumbunan,
habang umiiwas sa disgrasya ang paglutang ng parakaida
sa magdamag mong meditasyon sa altar ng hiraya.

kaya madalas, sanlaksang tanong ang iyong nasusuka.

II. Life is a shit!
Nawala kasi ang libro mo
Sa panahong you badly need it.

madalas ang pagbuklat natin sa mga pahina ng buhay
mistulang manaliksik sa mga bituka ng milky way at andromeda,
subalit madalas di mahanap ang hinahanap
di mahagap ang ninanais mahagap.

hitik sa misteryo ang matalisik nating mundo.

nakasalang sa apoy ang kilay sa magdamag
kung saan nakababad sa kumunoy ng mga bawal,
sinasakal ng kumbensyonal ang ating nilikha
sa kailalimlaliman ng ating malibog na dambana.

huwag silang mag-akalang nakatalukbong pa rin ang ating hinuha.

III. Life is a shit!
Nag-away na naman kasi kayo
Ng ermats mo.

sabik pa rin sa mahika ang sanggol sa iyong puso
sa panahong minamaniobra ang iyong mga ilusyon,
dahil may minsang di umaayon ang nakaraan sa ngayon
at ang langit ay di maaring pagkasyahin sa balon.

kaya may minsang di nag-iisa ang pag-ibig.

likas na ang kontradiksyon sa anumang bagay
mapaluma man o bago, materyal o 'di materyal,
nagpipingkian sa solterang krus ng pagsinta
upang magluwal ng bagong biyaya.

'di nararapat ang umiwas sa gyera.

IV. Life is a shit!
Dahil 'yong sarili mong dila
Nakagat mo.

suwail ang mga katagang nakakatakas sa rehas ng dila
sa panahong bihag ka ng kobrekamang poot,
at habang nilalangoy mo ang disyerto ng pagkabalisa
walang tinig ang lalamunan mong bilad sa init.

pakiwari mo'y pati lamok ay nagsusungit.

kasiping ng mga bulaklaking salita
ang retorikang kasimbigat ng toneladang bakal,
sa magkabilang pisngi ng iyong pagkatao
ay ingay ng mga kaluskos ng tunggalian.

laging pakatandaan na sarili ang masahol mong kalaban.


(salamat kay rona, dahil sa kanya ipinaglihi ang tulang ito. hehehe)

0 Comments:

Post a Comment

Links to this post:

Create a Link

<< Home